Dinepensahan ni Department of Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ang final joint communique ng ASEAN foreign ministers kaugnay ng South China Sea Dispute.
Ito ay matapos ang ilang puna na mahina umano ang naging statement ng ASEAN ministers sa isyu ng pinag-aagawang teritoryo dahil hindi nabanggit ang resulta ng arbitral ruling noong nakaraang taon na pumapabor sa Pilipinas.
Ayon sa kalihim, base sa polisiya ng administrasyon, nais ng Pilipinas na maipagpatuloy ang dayalogo sa China at palakasin ang relasyon dito.
Tiniyak naman ni Sec. Cayetano na isusulong pa rin ng Pilipinas na maging legally binding ang bubuuing code of conduct sa West Philippine Sea sa gitna ng mga hamon na posibleng harapin nito.
(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)