Hindi pagdalo ni Putin at Widodo sa APEC, ikinalungkot ni Pangulong Aquino

by Radyo La Verdad | November 13, 2015 (Friday) | 1928

JERICO_PNOY
Ikinalungkot ni Pangulong Aquino ang hindi matutuloy na pagdalo ni Russian President Vladimir Putin at Indonesian President Joko Widodo sa Asia Pacific Economic Cooperation o APEC Economic Leaders’ meeting mula Nov.18 to 19.

Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, Personal aniyang tumawag si Putin kay pangulong Aquino kagabi upang sabihin ang mga dahilan kung bakit hindi ito makakarating sa bansa.

Nauunawaan naman umano ni Pangulong Aquino ang sitwasyon ni Putin na kailangang asikasuhin ang ilang domestic issues na kinakaharap ng kanilang bansa partikular na sa patuloy na imbistigasyon sa pinabagsak na jetliner ng Russia.

Dahil dito, pangungunahan na lang ni Russian Prime Minister Dmitry Medvedev ang Russian Delegation.

Bukod dito, bagaman wala pang written confirmation mula sa Indonesian Government na hindi makakadalo si Widodo ay naabisuhan na ang pamahalaan na hindi ito makakarating sa APEC Summit dahil na rin sa kailangan aniyang asikasuhin sa kanilang bansa.

Samantala, nakahanda na umano si Pangulong Aquino bilang Chair ng APEC Leaders Meeting para mamagitan sa mga discussion.

Ani Valte, hindi naman na bago sa Pangulo ang naturang mga pagpupulong gaya ng APEC Summits.(Jerico Albano/UNTV Correspondent)

Tags: , , ,