Hindi bababa sa 14, kumpirmadong nasawi sa landslide sa quarry site sa Naga, Cebu kahapon

by Radyo La Verdad | September 21, 2018 (Friday) | 2201

Isinailalim na kahapon sa state of calamity ang mga barangay ng Tinaan, Naalad, Cabungahan, Mainit at Pangdan sa bayan ng Naga sa probinsya ng Cebu.

Ito ang mga lugar na naapektuhan ng nangyaring landslide sa isang quarry site sa barangay Tinaan kahapon din ng umaga.

Sa pinakahuling tala ng command center, nasa labing-apat na ang nasawi dahil sa pagguho. Posible anilang ang paglambot ng lupa dulot ng mga pag-ulan ang sanhi ng pagguho nito.

Sa ngayon ay inaalam pa ng mga otoridad ang bilang ng mga residente na pinangangambahang natabunan pa ng lupa.

Ayon sa Naga Police, 20 hanggang 25 bahay sa naturang barangay ang nabaon sa landslide.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, kulang sila sa mga gamit kaya nahihirapan silang bilisan ang rescue operations.

Matagal na anilang binalaan ang mga nakatira dito na karamihan ay mga minero umano ng Apo Land and Quarry Corporation na delikado ang lugar.

Nilinaw naman ng kumpanya na hindi pa sila nagsisimula ng operasyon sa lugar bagaman kumpleto na sila sa mga permit.

Sa ngayon ay inilikas na ang tinatayang mahigit limang daang pamilya naninirahan sa mga naturang barangay at pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center na inihanda ng lokal na pamahalaan.

 

( Gladys Toabi / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,