Bigo si Senator Antonio Trillanes IV na makakuha ng temporary restraining order (TRO) sa Korte Suprema upang pigilan ang implementasyon ng Proclamation 572 ni Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan pinapawalang-bisa ang kanyang amnestiya at iniutos na siya ay arestuhin.
Sa idinaos na en banc session kanina, hindi pinagbigyan ng kataas-taasang hukuman ang mosyon ni Trillanes na pigilan ang pag-aresto sa kanya.
Paliwanag ng Supreme Court (SC), walang dahilan upang maglabas ng TRO sa ngayon dahil mismong Pangulo ang nagsabi na hindi aarestuhin si Trillanes malibang maglabas ng warrant of arrest ang korte.
Ayon pa sa SC, dapat hayaang ang Makati Regional Trial Court na suriin kung nakumpleto ni Trillanes ang requirements ng amnestiya.
Magugunitang pinawalang-bisa ang amnestiya ni Trillanes dahil hindi umano ito personal na pinanumpaan ang kanyang aplikasyon at hindi nito inamin ang kasalanang nagawa.
Ayon pa sa SC, dapat hayaan ang Makati RTC na dinggin ang mga mosyon na isinampa ng Department of Justice (DOJ) na humihiling na maglabas ng warrant of arrest at hold departure order laban kay Trillanes.
Inatasan naman ng SC ang Malakanyang, DOJ, DND at AFP na sagutin ang petisyon ni Trillanes sa loob ng sampung araw.
Ikinatuwa naman ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang desisyon ng SC dahil wala naman aniyang dahilan upang maglabas ng TRO. May pagkakataon din aniya si Trillanes na marinig ang kanyang panig dahil pinasasagot na ito ng korte sa mosyon ng DOJ at nakatakda na ang pagdinig ngayong Huwebes at Biyernes.
Isa rin aniya itong pagkilala ng SC na may jurisdiction pa rin ang makati RTC sa mga kasong coup d’état at rebelyon laban kay Trillanes. Hindi naman nagpakita ng pagkabahala ang kampo ni Trillanes sa naging desisyon ng korte.
Nitong Biyernes ay nagpasaklolo sa Korte Suprema si Trillanes dahil sa napipintong pag-aresto sa kaniya at upang mapawalang-bisa ang proklamasyon ng Pangulo.
Giit nito, unconstitutional ang kautusan dahil walang naging pagsang-ayon dito ang Kongreso at nilabag nito ang kanyang karapatan sa due process.
( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )
Tags: Korte Suprema, sen. trillanes, TRO