Hiling ni Sen.Revilla na makadalo sa graduation ng anak hindi kinatigan ng Sandiganbayan

by monaliza | March 27, 2015 (Friday) | 1051

bong-revilla
Hindi kinatigan ng Sandiganbayan 1st division ang hiling ni Sen.Bong Revilla Jr. na makadalo sa graduation ng anak sa Dela Salle Zobel sa Ayala,Alabang.

Ayon sa resolusyon ng korte, maliban sa magiging bad precedent ito kung pagbibigyan ng korte,magsisilbi rin anya itong “mockery of the administration of justice.”

Kung maaalala, ilang mosyon ang naunang pinagbigyan ng Sandiganbayan gaya ng pagdalaw ng senador sa anak nitong si Jolo sa Asian Hospital at ilang medical check up sa St.Luke’s Taguig dahil sa merito ng exceptional circumstance.

Pero sa pagkakataong ito, ayon sa mga mahistrado ng unang dibisyon, hindi naman maituturing na exceptional circumstance ang graduation ng anak kaya’t walang merito ang mosyon ni Sen.Revilla.

Maaalalang nito lamang nakaraang dalawang Linggo ay pinagbigyan ang kaparehong hiling ni Sen.Jinggoy Estrada ng 5th Division ng Sandiganbayan.

Ngunit paulit ulit naman pinaalalahanan ng mga mahistrado ang prosekusyon at maging ang depensa na dahil magkakaibang division ang humahawak sa kaso ng mga senador,magkaiba rin ang pagtingin at opinion ng mga mahistrado sa mga hinihiling ng mga akusado.(Joyce Balancio,UNTV Correspondent)