Hiling ni Janet Lim-Napoles na mailipat sa NBI detention facility, hindi pinagbigyan ng Sandiganbayan

by Radyo La Verdad | May 16, 2017 (Tuesday) | 22231


Hindi kinatigan ng Sandiganbayan first at third division ang mosyon ng kampo ni Janet Lim-Napoles na mailipat siya patungong NBI detention facility mula sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong.

Sa halip, ipinag-utos ng anti-graft court na mailipat ang tinaguriang Pork Barrel Scam Queen sa Bureau of Jail Management and Penology sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Ayon sa korte, nakasaad sa batas na lahat ng mga akusado na dumadaan sa paglilitis ay dapat makulong sa BJMP facility at hindi sa kung saan pasilidad.

Sinabi rin ng korte na walang ebidensya na magpapatunay na hindi ligtas ang BJMP facility sa Camp Bagong Diwa.

Ipinunto rin ng korte na wala sa mandato ng NBI na kumupkop ng mga akusado lalo na ang mga sumasailalim pa sa paglilitis.

Sa ngayon mayroon pang isang nakabinbin na mosyon si Napoles sa fifth division na humahawak rin sa kanyang kasong graft at plunder.

Hinihintay pa ng korte ang sagot ng prosekusyon sa kaparehong argument.

Nag-isyu na rin ng commitment order ang Sandiganbayan first at third division at dinala na ito kaninang hapon ng sheriff sa BJMP.

Sa isang mensahe naman sa text, sinabi ng abogado ni Napoles na si Atty. Stephen David na plano nilang maghain ng motion for reconsideration matapos makakuha ng kopya ng resoluyon.

(Mon Jocson)

Tags: , ,