Hiling ng kampo ni Sen. Bongbong Marcos na systems audit, isinantabi muna ng COMELEC

by Radyo La Verdad | May 26, 2016 (Thursday) | 997

BAUTISTA
Isinantabi ng COMELEC ang hiling ng kampo ni vice presidential candidate Ferdinand Marcos Junior na ma- audit ang mga sistemang ginamit sa halalan noong May 9, kaugnay ng ginawang script alteration ng Smartmatic sa transparency server.

Ayon kay COMELEC Chairman Andres Bautista, ipinasya ng en banc na isantabi muna ang hiling ni Marcos hanggang sa matapos ang canvassing ng kongreso sa presidential at vice presidential race at kapag na desisyunan na ang mga kasong kriminal na isinampa laban sa Smartmatic at ilang empleyado ng COMELEC dahil sa ginawang pagbabago sa program ng transparency server.

Sinabi ni Bautista, tatlo ang dahilan ng komisyon upang isantabi ang kahilingan ni Marcos.

Una, bago ang halalan, binigyan na ng sapat na panahon ang mga partido na ma review ang source code ng mga sistemang gagamitin sa eleksyon simula noong Oktubre.

Pinangangambahan din ng COMELEC na makaapekto sa canvassing kung papayagan ang system audit.

Isinasaalang alang din ng COMELEC ang inihaing criminal complaint ni Marcos laban sa Smartmatic at ilang tauhan ng poll body.

Hindi man pinayagan ng COMELEC ang hiling ni Sen. Marcos, pinahihintulutan naman nito na magsagawa ng audit sa sistemang ginamit sa 2016 elections ang isang non partisan at qualified IT personnel na maaring manggagaling sa Department of Science and Technology o galing sa COMELEC Advisory Council.

(Victor Cosare/UNTV NEWS)

Tags: