Hiling ng isang brain tumor patient na makita si Yeng Constantino, binigyang katuparan ng Wish 107.5 at partners nito

by Radyo La Verdad | September 26, 2018 (Wednesday) | 5778

Bukod sa entertainment na dala ng concert sa OPM lovers, naghatid din ang “One Day, One Decade” concert ni Bugoy Drilon  ng masayang ala-ala at karanasan sa isang batang may espesyal na kahilingan.

Mula Iloilo, dumating ang 11 anyos na si Zouie Buyco kasama ang kanyang ina sa Maynila noong Lunes.

Masigla at bibong bata si Zouie kung kayat hindi maaaninag ang mabigat na karamdaman na kanyang pinagdadaanan.

Ayon sa ina niya na si Jackelyn Buyco, taong 2016 nang ma-diagnose na may brain tumor si Zouie. Sa pangyayaring ito ay unti-unting lumabo ang paningin ng bata at tumigil ang kanyang paglaki. Survivor na matatawag si Zouie dahil sa kanyang mabilis na recovery.

Sa kabila ng kanyang karamdaman, lakas loob na hinaharap ni Zouie ang kanyang kalagayan sa tulong na rin ng kanyang mga magulang. Mahalaga rin ang bawat sandali para sa mga nagmamahal sa kanya.

Laging hangad ng pamilya ang kaligayahan ni Zouie kaya naman naghanap ang mga ito ng paraan upang matupad ang isa sa kanyang mga kahilingan, ito ay ang makita ng mukhaaan ang kanyang idolong pop-rock princess na si Yeng Constantino.

Sa isang surprise Wish granting, dinala ng Wish 107.5 sa “Make a Wish Foundation at Air Asia si Zouie sa One Day, One Decade concert kagabi kung saan isa sa performers si Yeng.

Walang pagsidlan ng tuwa si Zouie nang makita at mayakap ang pop rock princess at nagkaroon pa ng pagkakataon na sila ay makapag-duet.

Bukod sa hindi malilimutang pagkikita, isa pang magandang biyaya ang babaunin ni Zouie sa kanyang pag-uwi ay pagkakaloob sa kanya ng medical at educational scholarship.

Dahil sa kasiyahan, hindi napigil na mapaluha ni Zouie at labis ang pasasalamat sa pamunuan ng Wish Fm.

Ang pagtupad ng kahilingan ng ating mga kababayan ay bahagi ng public service ng Fm Station with Heart, ang Wish.

 

( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )

Tags: , ,