Hiling ng DOJ na ipaaresto si Sen. Trillanes, kinatigan ng Makati RTC Branch 150

by Radyo La Verdad | September 25, 2018 (Tuesday) | 2988

Kinatigan ng Makati Regional Trial Court Branch 150 ang hiling ng Department of Justice (DOJ) na arestuhin si Senator Antonio Trillanes IV dahil sa kasong rebelyon.

Sa kautusang inilabas ni Judge Elmo Alameda, pinagbigyan ng mosyon ng DOJ upang maglabas ng arrest warrant at hold departure order laban kay Trillanes.

Ito’y matapos na ipawalang-bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnestiya ni Trillanes sa bisa ng Proclamation 572 na nilagdaan nitong nakaraang Agosto.

Nagtakda naman ang korte ng dalawangdaang libong piso na piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng senador.

Samantala, igagalang naman ng Malakanyang ang desisyon ng Makati RTC na ipaaresto si Trillanes.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, sa korte na dapat magpaliwanag si Trillanes.

Dapat na aniyang tigilan ang drama at hayaang umusad ang ligal na proseso kaugnay ng kinakaharap na kaso ng senador.

Tags: , ,