Hiling ng DepEd na limited face to face classes, hindi pinagbigyan ni Pres. Duterte

by Erika Endraca | June 22, 2021 (Tuesday) | 6029

METRO MANILA – Inirekomenda ng Department of Education (DepEd) ang nasa 300 paaralan, para sumailalim sa pilot testing ng face-to-face classes sa darating na pasukan.

Bukod sa kaligtasan ng mga estudyante, pangunahing ikinukunsidera ng kagawaran na matiyak na nakasasabay pa rin sa mga pagbabago at hindi makumpromiso ang learning system para sa mga mag-aaral.

Kabilang dito ang pagsasaayos ng K-12 curriculum at ang pag-adapt sa flexible learning kahit matapos na ang pandemya.

“What was really very obvious was the congestion of the learning competencies so what were trying to do now is to come up with the set of learning competencies that will not be very congested but more focused on the fundamental skills that the children need for them to become independent learners in the future” ani DepEd Usec. For curriculum and instruction Diosdado San Antonio.

Noong nakaraang taon inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang limited face to face classes sa low risk areas at ipatutupad sana sa pagsisimula ng 2021.

Subalit dahil sa banta ng COVID-19 variant na unang natuklasan sa United Kingdom, binawi ito ng pangulo noong Enero.

Kagabi (June 21), muling iginiit ng punong ehekutibo na hindi nito ipagsasapalaran ang kalusugan ng mga bata lalo na’t hindi pa nababakunahan ang mayorya ng mga Pilipino.

Dahil dito, hindi nito pinagbigyan ang panukala ng DepEd na makapagsagawa ng pilot testing ng limited face to face classes sa low o no-risk areas.

“Dito sa face-to-face, I think I am not inclined to agree with you. I’m sorry but mahirap. I… I cannot… I cannot gamble on the health of the children.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Naunawaan naman ng DepEd ang posisyon at tinanggap ang desisyon ng punong ehekutibo kaya binawi na nito ang naturang proposal.

Samantala, nagbabala naman ang pangulo sa mga korte na hindi nito susundin ang anumang magiging desisyon kaugnay ng pinaiiral na COVID-19 protocols ng national government.

Ginawa ng pangulo ang pahayag kasunod ng pagsusumite ng petisyon ng cebu-based lawyers sa Cebu City Regional Trial Court laban sa IATF protocols dahil sa conflict sa Cebu Provincial Ordinance.

Sa Cebu, ginagawa ang swabbing upon arrival ng Returning Filipinos at pinapayagang makauwi ng bahay pagkatapos ng iilang araw lamang na hotel quarantine.

“I don’t want to lock horns with the judiciary I said, nirerespeto ko but there are times na may panahon but there’s always a time when the courts can function normally and maybe grant injunctions. But this time, I said they are put to notice na hindi ako mapipigil, I will not obey the courts in the matter now of management the pandemic. This is not a question of justice and inequity, this is a question of survival of the nation” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Ipinauubaya naman ng pangulo sa DILG ang magiging aksyon laban sa Cebu Provincial Government sa ilalim ni Governor Gwen Garcia dahil sa pagmamatigas na maipatupad ang patakaran ng probinsya na taliwas sa IATF protocols.

Sa ilalim ng testing at quarantine restrictions ng task force, kailangang manatili sa accredited quarantine facility sa loob ng 10 araw ang international traveler at sumailalim sa RT-PCR test sa ika-pitong araw mula ng makabalik sa bansa.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,