Hiling na teleconferencing ni Sen. Leila de Lima sa sesyon sa Senado, suportado ng Senate leadership

by Radyo La Verdad | August 9, 2019 (Friday) | 97024

Ipinagpatuloy kanina ng Muntinlupa Regional Trial Court branch 205 ang paglilitis kay Senator Leila de Lima sa hinaharap nitong kaso na may kaugnayan sa illegal drug trade.

Mahigit dalawang taon na rin nakakulong ang Senador at hindi nakakadalo ng sesyon sa Senado. Dahil dito, nito lamang Hulyo, isang resolusyon ang inihain ng dalawang beteranong Senador na sina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senator Panfilo Lacson na payagang makasama sa plenary sesyon ang Senadora sa pamamagitan ng video conference o teleconferencing. Bagay na suportado ni Senate President Vicente Sotto III.

Ayon kay Senator Lacson, may equipment na ang Senado para dito. Ito rin aniya ang ginamit na equipment sa panahon ni dating Senate President Juan Ponce Enrile nang payagang magtele-conference si Senator Antonio Trillanes IV nang makulong ito noon.

Kung ito ay maaaprubahan, maaaring mag-interpellate ang Senadora sa plenaryo at magpanukala ng amiyenda sa mga panukalang batas. Ngunit hindi ito papayagang makaboto dahil base sa rules ng Senate dapat siya ay physically present sa plenaryo.

Ikinatuwa naman ito ng Senadora.

Ayon sa kampo ni Senator de Lima, kakailangan din ang clearance ng PNP para dito.

 “Ang rules ng pnp regarding sa mga tao sa custodial ayun nga, bawal ang electronic gadget. So, lahat yan kailangan ng approval ng pnp so iaakyat yan kay Gen. Albayalde,” ani Atty. Raymond Baguilat, abogado ni Sen. de Lima.

Hindi naman naniniwala ang Chairman ng Presidential anti-corruption commission na si Dante Jimenez na pagbibigyan ito ng korte.

 “I’m pretty sure the court will denied that,” ayon naman kay Dante Jimenez, Chairman ng Presidential Anti-corruption Commission.

Ang inihaing resolusyon ay pag-aaralan muna ng Senate Committee on Rules bago talakayin at pagbotohan ng mga Senador sa plenaryo.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: ,