Isinusulong ngayon ng mga labor group ang P320 wage increase sa Metro Manila.
Ayon kay ALU-TUCP Spokesperson Alan Tanjusay, kahit wala pang isang taon ang nakakalipas mula ng huling taasan ang minimum wage ay may malaking pagtaas na sa mga pangunahing bilihin dahil sa TRAIN law.
Idagdag pa aniya dito ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, pagbaba ng palitan ng piso kontra dolyar at ang profiteering o pananamantala ng mga negosyante na taasan ang presyo ng kanilang mga produkto.
Imposible naman para sa Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na pagbigyan ang petisyon para sa P320 na umento sa sahod ng mga empleyado.
Ayon kay ECOP President Sergion Ortiz, sa tuwing nagtataas ng sahod, dumarami din ang nawawalan ng trabaho dahil nagbabawas ng empleyado ang mga kumpanya.
Ang resulta, napupunta ang mga ito sa informal sector gaya ng pamamasada o pagtitinda.
Sa mga consumer din aniya naipapasa ng mga negosyante ang itataas sa kanilang pasweldo.
Sa ngayon ay may nakahain naring panukalang batas sa Kongreso para isabatas ang P320 na umento sa sahod.
( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )
Tags: ECOP, manggagawa, umento