Mga single parent sa bansa, may dagdag benepisyo sa ilalim ng Solo Parent Act

by Radyo La Verdad | December 11, 2018 (Tuesday) | 5802

Hindi madali ang maging isang magulang, ngunit lalong mas hindi madali kung mag-isa kang nagtataguyod ng iyong mga anak.

Kaya naman malaking tulong sa mga single mother and fathers ang Solo Parent Act of 2002. Sa ilalim ng batas, may mga kaukulang benepisyong ipinagkakaloob ang pamahalaan sa mga ito at kanilang anak.

Kabilang dito ang pitong araw na dagdag bakasyon sa trabaho; tulong pangkabuhayan para sa mga nasa below poverty threshold; psychological assistance; proteksyon o seguridad at  educational assistance.

Isa si Marivic Ido sa mahigit labing pitong milyong solo parent sa bansa. Hindi sinusuportahan ng kanyang dating partner ang kanilang dalawang taong gulang na anak kaya nahihirapan siyang pagkasyahin ang kanyang kinikita sa kanilang maliit na tindahan para tustusan ang mga pangangailangan nito.

Kaya naman nang mabalitaan na may Solo Parent Act, agad itong nag-apply ng ID.

Ngunit isang taon na ang nakalilipas ay wala pa rin hanggang ngayon ang kanyang solo parent ID.

Ayon naman sa Federation of Solo Parents, hindi dapat tumagal sa tatlumpung araw ang pagkuha nito lalo na kung kumpleto naman sa requirements ang aplikante.

Kabilang sa mga qualified na kumuha nito ay ang mga biyudo at biyuda; hiwalay, annuled o inabandona ng asawa; mga indibidwal na tumatayong guardian ng mga bata; rape victims; nakakulong o nahatulan mabilanggo ang asawa at mga may mental condition.

Para naman madaling ma-proseso  ang inyong aplikasyon, tiyakin na kumpleto sa requirememnts gaya ng barangay certificate; katibayan na napawalang bisa ang kasal, walang sapat na mental na kapasidad, certificate of no marriage o death certificate at birth certificate ng anak.

Sa Quezon City lamang ay may tinatayang kalahating milyong solo parent at nasa 21,000 ang registered ID holder.

At bukod sa itinakdang benepisyo ng batas, may karagdagang benepisyo ang mga single mom and dad’s ng lungsod.

Tiniyak  naman ng Federation of Solo Parent na patuloy silang magsusulong ng mga karagagdagan pang benepisyo para sa mga mag-isang nagtataguyod ng kanilang mga anak.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,