Pinagbigyan ng Korte Suprema ang hiling ng mga complainant sa impeachment laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno na makakuha ng kopya ng mga dokumentong binabanggit sa reklamo.
Sa kanilang sulat sa korte, sinabi ng Volunteers Against Crime and Corruption at Vanguard of the Philippine Constitution Incorporated na minabuti nilang hingin ang mga dokumento upang huwag na itong i-subpoena ng Kamara.
Anim sa pitong dokumento ang pinayagang i-release ng Korte Suprema. Kabilang na dito ang kautusan sa pagbuo ng Judiciary Decentralized Office at Regional Court Administration Office sa Visayas.
Hindi pa pinayagang i-release ang memorandum ni Justice Teresita Leonardo-De Dastro na kumukwestyon sa pagkakatalaga sa hepe ng Philippine Mediation Center at pagbibigay ng travel allowance sa staff ni Sereno.
Samantala, hindi bababa sa dalawampung dokumento naman ang hinihingi ni Atty. Larry Gadon para sa ikalawang impeachment complaint na ihahain sa punong mahistrado. Hinihingi aniya ito ng mga kongresista na nais mag endorso sa kanyang reklamo.
Wala pang pahayag ni Sereno tungkol sa isyu at hindi rin siya nakisali sa pagtalakay dito ng mga mahistrado.
(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)
Tags: CJ Sereno, Kamara, Korte Suprema