Hiling na dagdag-pasahe sa jeep, posibleng mapagbigyan-LTFRB

by Radyo La Verdad | August 30, 2022 (Tuesday) | 8604

METRO MANILA – Masusi pa ring pinag-aaralan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang petisyon sa dagdag-pasahe sa mga Public Utility Jeepney (PUJ).

Kabilang dito ang karagdagang P2 pasahe sa unang 4 na kilometro ng byahe ng pampasaherong jeep.

Habang may petisyon rin ang iba pang grupo na gawing P15 ang minimum na pasahe.

Ayon kay LTFRB Chairperson Cheloy Garafil, hinihintay na lang nila ang posisyon ng mga transport group na naghain ng naturang petisyon kung bakit dapat aprubahan ang kanilang kahilingan.

Nangangamba naman ang Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) na baka mapilitan na namang mamasukan sa ibang trabaho ang mga drayber ng jeep.

Paliwanag ni LTOP President Orlando Marquez, lugi pa rin kasi sila sa kanilang pamamasada kahit dumami na ang mga pasaheo kasabay ng pagbabalik eskwela.

Depensa naman ng LTFRB, hindi aplikable ang pagpapatupad ng automatic fare adjustment sa ngayon.

Ayon kasi sa naturang memorandum ng board, maari itong iisantabi kapag mayroong socio-economic factor gaya ng pandemya kung saan apektado rin ang mga mamamayan.

Tiniyak naman ng ltfrb na nakikita ng board ang pangangailangan sa pagtataas ng pasahe bunsod ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.

Ngunit kailangan rin aniya ikonsidera ng ahensya ang epekto nito sa ekonomiya partikular na sa paggalaw ng presyo ng mga bilihin.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: , ,