Hiling na dagdag na pondo ng LGUs, para lamang sa mga may magandang performance ayon kay Pangulong Aquino

by dennis | April 15, 2015 (Wednesday) | 1883
File photo
File photo

Nakahandang suportahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang panukalang madagdagan ang pondo ng mga local government unit (LGUs) kung ang mga ito ay makitaan ng pagunlad sa kanilang nasasakupan.

Ito ang sinabi ng Pangulo sa kaniyang talumpati sa pagpupulong ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) sa Manila Hotel kaninang umaga.

Hiling ng LMP na gawing 50% ang bahagi ng buwis na napupunta sa mga LGU mula sa kasalukuyang 40% sa pamamagitan ng pagsusulong ng ” bigger slice, bigger pie” bill ni Sen. Koko Pimentel.

Sinabi ng Pangulo na kahit hindi maisakatuparan agad ang kanilang kahilingan, patuloy pa rin namang nakikinabang ang mga LGU dahil mula sa P265.8 billion na halaga ng internal revenue allotment (IRA) noong 2010, umakyat na ito sa P389.86 billion ngayong 2015.

Samantala, binigyang diin naman ng Pangulo na walang pinipili ang kaniyang administrasyon sa pagtulong sa mga LGU anuman ang partido na kinabibilangan ng mga ito.(Jerico Albano/UNTV Radio Correspondent)

Tags: , , , , , , ,