Higit P800 milyong halaga ng infra projects, ipatutupad sa Mamasapano at sa limang iba pang karatig-bayan

by dennis | April 18, 2015 (Saturday) | 2122
Photo credit: Reuters
Photo credit: Reuters

Maglalaan ng P874.4 milyon ang pamahalaan para pondohan ang iba’t ibang proyektong pangimprastuktura sa Mamasapano, Maguindanao at sa limang iba pang karatig-bayan para himukin ang mga bandido na magbalik-loob sa lipunan.

Ayon kay Engineer Emil Sadain, kalihim ng Department of Public Works and Highways ng Autonomous Region in Muslim Mindanao na ang pondong matatanggap para sa Mamasapano ay gagamitin sa pagpapasemento ng mga kalsada, pagpapatayo ng mga bagong water system at flood control centers.

Dalawang linggo ang nakakaraan ay inilunsad ng mga opisyal ng ARMM, sa pangunguna ni Governor Mujiv Hataman ang pagpapatayo ng mga footbridge, farm-to-market road, isang mosque at mga school building project sa Barangay Tukanalipao na nagkakahalaga ng P67.3 milyon.

Ayon pa kay Sadain, ipinagutos na rin ni Hataman ang pamamahagi ng kopya ng mga project description sa mga media company sa Central Mindanao at ARMM para matiyak ang transparency at accountability ng mga opisyal sa paghawak ng pondo para sa mga naturang proyekto. (UNTV Radio)

Tags: , , , , , ,