Palalakasin ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang pwersa sa pagpapakalat ng higit limang libong police officers sa Kalakhang Maynila simula ngayong araw. Ito ay upang masiguro ang seguridad at peace and orderliness sa state visit ni Chinese President Xi Jinping.
Unang pagkakataon ang pagbisita ni President Jinping sa Pilipinas sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Karamihan sa mga ito ay metrocop at hindi bababa sa dalawang daang police personnel mula sa Calabarzon na kinabibilangan ng lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon. Katuwang rin ng pulisya ang mga myembro ng lokal na pamahalaan at ilang pribadong sektor.
Mismong si Police Director Guillermo Eleazar ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang nanguna sa ocular inspection upang matiyak na handa ang mga tauhan ng PNP kaugnay sa pagbisita ng pangulo ng Tsina.
Sa press statement ng PNP, nanawagan si Eleazar sa taumbayan na makipagtulungan sa pulisya para sa pagtataguyod ng relasyon sa pagitan ng bansang Pilipinas at Tsina.
Magpapatupad naman ang Manila Police District (MPD) ng road closure at rerouting ng mga sasakyan sa ilang mga kalsada sa Maynila. Kaugnay pa rin ito ng pagbisita ng Chinese President at ng isasagawang wreath laying activity.
Nakatakdang isara sa trapiko ang ilang bahagi ng Roxas Boulevard at iba pang kalye malapit sa area ng Rizal Park.
Pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa mga alternatibong daan upang makaiwas sa inaasahang mabigat na trapiko.
( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )