Higit limang libong barangay sa bansa, maaaring makaranas ng pagbaha at landslide dahil sa bagyong Nona

by Radyo La Verdad | December 15, 2015 (Tuesday) | 1518

AGENCY
Paulit-ulit ang paalaala ng bawat member agency ng NDRRMC sa mga lokal na pamahalaan gayundin sa mga residenteng lubhang maaapektuhan ng bagyong Nona na maging alisto at updated sa lagay ng bagyo.

Ayon sa NDRRMC, dapat ding tumugon ang mga residente sa babala at panawagan ng lokal na pamahalaan lalo na kung kinakailangan ng lumikas.

Batay sa Pagasa weather forecast, tinaya ng NDRRMC na mahigit limang libong barangay sa apat na rehiyon sa bansa ang maaaring bahain at makaranas ng pagguho ng lupa dahil sa dami ng ulang ibubuhos ng bagyong Nona.

Ayon sa Department of Interior ang Locale Government, apat na araw bago tumama sa kalupaan ang bagyo, nakipag-ugnayan na ito sa mga kinauukulang local government units upang imonitor ang mga paghahandang ginagawa ng mga ito.

Ayon sa kagawaran, 85 porsyento sa mga lokal na pamahalaan ang maituturing na nakatugon sa kanilang panawagang maghanda laban sa bagyo.

Bukod dito, nagbabala rin ang NDRRMC sa pagdaloy ng lahar sa mga bahagi ng probinsya ng Albay at Sorsogon.

Sa Albay, dahil sa matinding buhos ng ulan, maaaring magkaroon ng landslide at large-magnitude lahar hazard ang mayon volcano sa mga kalapit na lugar tulad ng Masarawag, Maninila, Buyuan-Padang, Lidong, Mabinit, Basud, Miisi, Anoling, Nabonton ganun din ang mga mabababang lugar sa Legaspi City na malapit sa Yawa River.

Samantalang sa sorsogon naman, maaari ring magluwa ng moderate lahar ang bulusan volcano at maaapektuhan ang anim na mga komunidad tulad ng Malunoy, Mapaso. Cadac-an, Tinampo, Cogon rivers sa Irosin at ang Añog-Rangas River sa Juban.

Pinaiiral ang permanent danger zone sa mayon at Bulusan volcanoes dahil sa panganib ng pagguho ng lupa at mga bato at steam-driven na pagsabog ng bulkan. ( Rosalie Coz/UNTV News)

Tags: