METRO MANILA – Umabot na sa 35% o 42,493 mula sa 122,498 na Person Deprived of Liberty (PDL) sa mga kulungan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)ang nabakuhanan batay sa pahayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sa tala ng ahensya, 27,951 na mga bilanggo ang nakatanggap na ng first dose; 7,473 ang tumanggap na ng 2nd dose at 7,069 ang naturukan ng single-dose vaccines.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año, magpapatuloy aniya ang pagbabakuna sa mga bilanggo sa pakikiisa na rin ng BJMP, National Vaccine Operations Center (NVOC) at mga lokal na pamahalaan.
Naitala naman na 100% fully vaccinated ang mga bilanggo ng Bocaue Municipal Jail at Bataan District Jail dahil sa suporta ng kani-kaniyang lokal na pamahalaan.
Samantala, umabot na sa 12,568 uniformed BJMP personnel ang fully vaccinated at 14,441 ang nakatanggap na ng first dose.
(Kyle Nowel Ballad | La Verdad Correspondent)