Higit 300 flights sa NAIA, nakansela kahapon dahil sa technical issues; 65K pasahero apektado

by Radyo La Verdad | January 2, 2023 (Monday) | 12531

METRO MANILA – Libo-libong mga pasahero ang hindi nakabiyahe kahapon (January 1) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos na magkaroon ng technical problem ang air traffic management system ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Paliwanag ng CAAP, nagkaproblema ang ginagamit na air navigation facilities na mahalaga para sa monitoring ng lokasyon ng mga eroplano, at siya ring ginagamit sa pagbabantay ng air space traffic.

Sinasabing nagkaroon umano ng problema sa power supply ang pasilidad dahilan para pumalya ito.

At para maiwasan ang pagkakaroon ng aksidente, kinansela muna ang mga domestic at international flights.

Habang may iba ang na-divert at may ilan rin ang na-delay kaya’t apektado rin ang operasyon ng iba pang mga airport sa bansa.

As of January 1, 2023, nasa 345 na mga flights ang nakansela kahapon (January 1), kung saan apektado ang mayorya ng mga domestic flights, maging ang ilang international flights. Dahil dito dismayado ang mga pasahero na hindi nakabiyahe kahapon.

Pasado alas-5 na ng hapon nang muling maibalik ang operasyon ng air traffic management center.

At dahil maraming flights ang naapektuhan, hindi pa rin agad na makakabiyahe ang ilang mga eroplano.

Sa pagtaya ng Manila International Airport Authority (MIAA), posibleng abutin pa ng 72 hours o nasa 3 araw bago maiayos muli ang schedule ng mga flights sa NAIA.

Nakipagugnayan na ang MIAA sa mga airline company para sa scheduling ng mga flights.

Pinakiusapan rin ang mga ito na kung maaari ay gumamit ng malalaking eroplano upang agad na makabiyahe ang mga pasahero.

Hindi rin muna isasara ang runway sa NAIA sa madaling araw, para makapag-schedule ng mga flight.

Kaugnay nito pinapayuhan ang mga pasahero na makipagugnayan sa kanilang mga airline company para sa rebooking o refund ng kanilang mga flight.

Humingi naman ng paumanhin at pang-unawa sa publiko ang Department of Transportation (DOTr) kaugnay sa nangyaring aberya sa NAIA.

(JP Nunez | UNTV News)

Tags: , , ,