Higit 1K pribadong paaralan sa bansa pinayagan ng DepEd na magtaas ng matrikula

by dennis | May 25, 2015 (Monday) | 2928
File photo: UNTVweb.com
File photo: UNTVweb.com

Inaprubahan ng Department of Education (DepED) ang hiling ng mahigit sa 1,000 pribadong paaralan sa buong bansa na magtaas ng kanilang matrikula at miscellaneous fees.

Ayon kay Education Assistant Secretary Jesus Mateo, inaprubahan ng DepEd ang hiling ng 1,246 pribadong paaralan na magpatupad ng dagdag singil sa tuition at miscellaneous fees.

Sa datos ng DepEd, sa 1,556 eskuwelahan na nag-apply ng pagtaas sa matrikula, 310 dito ang hindi nila inaprubahan. Pinakamalaking bilang ng mga paaralan na humiling ng dagdag singil ay mula sa Central Luzon na nasa 493.

Bagaman maraming nag-apply na paaralan sa Central Luzon, ang Calabarzon pa rin ang may pinakamaraming pribadong eskuwelahan na inaprubahan ng DepEd na nasa 264, kasunod ang Central Luzon, 257 at Central Visayas region na nasa 170.

Sa kabuuan, nasa 15,831 ang pribadong paaralan sa buong Pilipinas, batay sa tala ng kagawaran noong school year 2012-2013.