Higit isang libong posisyon sa pamahalaan ang mababakante simula ngayong araw ng Lunes.
Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga presidential appointee sa government agencies at corporations na umalis sa kanilang pwesto dahil sa patuloy na ulat ng korupsyon sa isinagawa nitong press conference sa Davao City, linggo ng madaling araw.
Hindi naman kabilang sa direktiba ang mga miyembro ng gabinete at career positions.
Special mention ulit ng pangulo ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB at ang Land Transportation Office o LTO bilang mga pangunahing ahensya kung saan umano talamak ang katiwalian.
Inatasan din nito ang tagapanguna ng LTFRB na personal na makipag-usap sa kaniya sa Malakanyang.
Samantala, ayon naman kay LTO Chief Ed Galvante, handa siyang sumunod sa ipinag-uutos ni Pangulong Duterte.
Nilinaw naman ng pangulo na pansamantalang hahalili sa mababakanteng posisyon ang kanilang mga assistant.
(Rosalie Coz/UNTV Radio)