Higit 100 Pinoy na biktima ng human trafficking sa Abu Dhabi, nakauwi na ng Pilipinas

by Radyo La Verdad | November 2, 2017 (Thursday) | 4809

Mapait ang naging karanasan ni Joan Masa sa loob ng siyam na buwan niyang pagtatrabaho bilang house helper sa Abu Dhabi. Siya ay biktima ng illegal recruiter sa Laguna.

Maayos na employer at malaking sweldo umano ang ipinangako sa kaniya pero kabaliktaran ang nangyari. Isa lamang si Joan sa mahigit isang daang disstressed Overseas Filipino Worker na tinulungan ng Embahada ng Pilipinas na nakauwi ng bansa.

Binigyan rin ng pamahalaan ng tig-15 libong pisong halaga ng pangkabuhayan ang mga ito upang makapagpasimula ng negosyo.

Ayon sa DFA, marami pa ring undocumented Filipino worker sa Abu Dhabi subalit hirap silang tukuyin ang eksaktong bilang ng mga ito, dahil karaniwang pumapasok sa Middle East ang mga ito gamit ang tourist visa.

Naniniwala naman ang Overseas Workers Welfare Administration o OWWA na maiiwasan  ang ganitong sistema, kapag tuluyan nang maipatutupad ang Labor Cooperation Agreement ng DOLE at ng pamahalaan ng ABU Dhabi nito lamang Agosto.

Sa datos ng DFA, ngayong taon ay nasa 700 mga Pinoy na mula sa Abu Dhabi ang napauwi ng bansa dahil sa iligal na pagta-trabaho doon.

Patuloy namang pinoproseso ang pagpapauwi sa iba pang distressed OFW sa Abu Dhabi.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,