High-profile inmates sa NBP, prayoridad na bantayan ng PNP-SAF

by Radyo La Verdad | July 21, 2016 (Thursday) | 4389

JOAN_PNP-SAF
Mahigpit na pagbabantay sa mga high profile inmate sa maximum security compound ang trabahong gagampanan ng PNP-Special Action Force troopers na kasalukuyang naka-deploy sa New Bilibid Prison.

Partikular na pagtutuunan nito ng pansin ang dormitoryo ng mga sinasabing vip sa building 14 kung saan naroon ang mga kilalang drug personalities tulad nila Peter Co, Herbert Colangco at iba pa.

Sa isinagawang press conference sa Kampo Crame, tiniyak ng PNP-SAF na gagampanang mabuti ang kanilang trabaho at sisikapin na masugpo ang pagpapasok ng mga iligal na kontrabando sa loob ng NBP.

Nilinaw rin ng PNP-SAF na walang magiging direktang kontrol sa kanila ang Bureau of Corrections.

Ayon kay PSInsp. Jonalyn Malnat, gagampanan nila ang kanilang tungkulin sa NBP sang-ayon sa mga kautusang i-aatas sa kanila na magmumula sa headquarters ng PNP.

Kumpiyansa ang PNP-SAF na hindi ma-iimpluwensyahan ng sinomang tiwaling opisyal ang kanilang mga kasamahan na nagbabantay ngayon sa maximum security compound.

Sa ngayon ay hindi pa masabi kung hanggang kailan tatagal ang pagbabantay ng PNP-SAF sa NBP.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: ,