Anim na beses pinaputok ng US Marines ang high mobility artillery rocket system na ito sa gunnery range ng Crow Valley Range Complex sa Capas, Tarlac kamakailan.
Ito ang nagsilbing practice rocket at test-firing para sa isasagawang Balikatan final at live-fire exercise na bukas sa media at isasagawa rin sa Crow Valley sa susunod na Huwebes.
Dahil kargado ng non-explosive materials, 15 kilometro lamang ang range ng practice rocket.
Ang M142 high mobility artillery rocket system ang isa sa mga pinakamalakas na military weapon ng Amerika.
Kaya nitong patamaan ang target sa grounds o sa himpapawid na may layong 300 kilometro.
Binubuo ito ng multiple rocket launcher na nakalulan sa standard army medium tactical vehicle.
Ayon sa tagapagsalita ng Balikatan 2016 na si Capt. Frank Sayson, ito ang kauna-unahang pagkakataon na gagamitin ito para sa Balikatan war games ng Amerika at Pilipinas.
Dadalhin din ang nasabing military weapon sa Antique at Palawan para naman sa joint rapid reaction force at beach landing exercise na bahagi rin ng Military Balikatan Exercises ng Pilipinas at Amerika ngayong taon.
Subalit hindi ito papuputukin bagkus ay ipakikita lang ang mobility o ang mabilis at madaling pagtransport nito sa isang lugat gamit ang C-130 ng Amerika.
Samantala, muli namang binigyang diin ng AFP na ang mga equipment na ginagamit ng amerika para sa balikatan 2016 ay walang kaugnayan sa Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA.
Dagdag pa ng AFP, nakatuon ang Balikatan 2016 sa pagpapaigting ng military tactics at logistics ng AFP para sa agarang humanitarian assistance at disaster response.
(Rosalie Coz/UNTV NEWS)
Tags: Balikatan 2016, US Marines