Hidwaan sa pagitan ng NFA management at council, dahilan ng isyu ng rice shortage

by Radyo La Verdad | April 4, 2018 (Wednesday) | 1774

 

May ilang bagay na hindi pinagkakaunawaan ang management ng National Food Authority at ng NFA council.

Ito ang isa sa nakikitang dahilan ni Cabinet Secretary Jun Evasco kaya lumabas ang isyu ng NFA rice shortage sa bansa.

Nanawagan ang kalihim sa NFA na sumunod sa atas ng Pangulo na itigil ang pagsasalita ukol sa isyu ng kakulangan ng suplay ng bigas.

Kabilang sa hindi pinagkakasunduan ng dalawang panig ay ang gagamiting sistema sa pag-angkat ng bigas.

Gayundin ang hindi pagpayag ng konseho sa panukala ng NFA na itaas sa 20 pesos mula sa dating 17 pesos ang buying price ng ahensiya upang mahikayat ang mga magsasaka na ibenta sa NFA ang kanilang mga palay.

Dahil sa hindi pagkakaunawaan, ikinokonsidera ni Secretary Evasco ang panukalang buwagin na lamang ang NFA.

Tumanggi ring magkumento ang kalihim tungkol sa naiulat na pagkaubos ng buffer stock ng NFA sa National Capital Region.

Ngunit ayon sa kaniya, nasa 200,000 bags ang natitirang stock na hindi sapat para tustusan ang isang araw na kailangan ng buong bansa.

Taliwas ito sa mandato ng NFA na dapat ay may 15-day buffer stock ang ahensiya.

(Nel Meribojoc / UNTV Correspondent)

Tags: