Hepe ng Davao City Police at Task Force Davao, pinapapalitan sa pwesto ni Mayor Duterte-Carpio

by Radyo La Verdad | September 5, 2016 (Monday) | 2211

VICTOR_MAYOR-DUTERTE-CARPIO
Pinapapalitan na ni Davao Mayor Sarah Duterte ang hepe ng Davao Police at Task Force Davao kasunod ng nangyaring pagsabog sa Roxas night market noong Biyernes ng gabi.

Ayon kay Mayor Duterte-Carpio, ito ay bunsod ng kabiguan nina Davao City Police Chief Police Senior Superintendent Michael John Dubria At Colonel Henry Robinson ng Task Force Davao na aksyunan ang mga natanggap na impormasyon bago ang pagsabog.

Sa ngayon ay may napili nang kapalit ang alkalde kay Colonel Robinson ngunit tumanggi muna siyang pangalanan ito habang patuloy ang selection process para sa bagong hepe ng Davao PNP.

Naglabas na rin ng pabuya ang Davao City Government sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon sa kung sino ang responsable sa pambobomba na ikinasawi ng 14 na tao.

Ayon sa alkalde, nagkasundo ang city government ng Davao at ang ilang local businessmen sa lungsod na maglabas ng tig isang milyong pisong pabuya upang mabilis na maresolba at mapanagot ang sinumang responsable sa naturang terrorist act.

Ayon sa alkalde isang milyong piso ang ibibigay sa makapagbibigay ng pagkakakilanlan sa taong may kagagawan ng pagpapasabog at isang milyong piso naman sa makapagdadala o makapagtuturo sa kinaroroonan nito upang maaresto ng mga otoridad.

Samantala, patuloy ang pagpapatupad ng mahigpit na seguridad sa buong lungsod.

(Victor Cosare / UNTV Correspondent)

Tags: , ,