Dalawampu’t dalawa na ang naitatalang patay sa Michigan dahil sa Hepatitis A outbreak na nagaganap ngayon sa buong America.
Ayon sa Michigan Department of Health and Human Services, sa kasalukuyan ay mayroong 622 cases sa estado ng Hepatitis A at patuloy ang pagtaas nito partikular sa southeast ng estado.
Ang Hepatitis ay isang uri ng nakahahawang viral infection kung saan naaapektuhan ang atay ng tao. Nakikita ito sa dumi ng tao at nakukuha dahil sa pagkain at hindi tamang paghuhgas ng kamay.
Labing lima hanggang limampung araw maari lumabas ang sintomas matapos ma-expose sa Hepa A virus.
Bagamat maaring maiwasan ang sakit na ito sa pamamagitan ng vaccine, hindi napigilan ang pagdami ng infected na tao dahil sa shortage ng vaccine sa bansa.
Ayon naman sa California State Department, nagsimula ang outbreak sa estado sa transient homes sa San Diego sa pagitan ng mga illegal drug users kung saan 21 na ang naitalang patay habang 686 naman ang infected sa buong San Diego.
Dumoble naman ang kaso mga Hepatitis A sa estado ng Colorado habang kumakalat na din ito sa Arizona at Utah, partikular sa Salt Lake City kung saan nagdeklara ng panibagong outbreak.
Nangako naman ang dalawang drug maker ng Anti-Hepatitis A vaccine sa America na pabibilisin na nila ang production ng vaccine at ayon sa kanila, kalimitang maliit lamang ang outbreak sa America at lumiit na ang rate ng pagdami nito mula noong magawa ang vaccine ng 1995 sa 95%.
Ayon naman sa Center for Disease Prevention o CDC, karamihan sa apektado ay nakakarecover ngunit may ilan na nakakadevelop ng liver failure lalo na sa matatandang may edad 50 pataas na magreresulta sa pagkamatay.
Ang Hepatitis A ay kilalang virus na maaring mabuhay ng matagal kahit sa labas ng katawan ng tao, hindi ito napapatay ng karaniwang hand sanitizer kaya mainam pa rin ang palagiang paghuhugas ng kamay upang maiwasan ito.
( Chris de Leon / UNTV Correspondent )
Tags: America, Hepatitis A, outbreak