Heat Index sa Pilipinas, posibleng tumaas pa sa susunod na buwan

by Radyo La Verdad | April 28, 2023 (Friday) | 1358

METRO MANILA – Nagbabala ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posible pang tumaas ang heat index o nararamdamang alinsangan sa bansa.

Ayon kay Dr Esperanza Cayanan, ang Deputy Administrator ng PAGASA, sa buwan ng Mayo karaniwan naitatala ang pinakamatataas na temperatura.

Noong nakaraang taon lang umabot sa 55’C ang heat index sa Dagupan City sa unang araw ng Mayo.

Sa ibang mga kontinente gaya sa America at Europe, nagkakaroon ng tinatawag na “heat wave” dahil sa sobrang taas ng temperatura.

Nagkakaroon ng heat wave kung may high pressurea area na mananatili  sa isang lugar.

Nagiging dahilan ito para hindi makaalis ang mainit na temperatura.

Sa ngayon ay wala pang naitala ang pagasa na nagkaroon ng heat wave sa Pilipinas.

Pero ayon kay Dr. Cayanan, hindi ito  imposibleng mangyari sa bansa subalit maliit lamang  ang tsansa sa ngayon.

Ayon sa PAGASA, kung titindi ang napipintong pag-iral ng El Niño ngayong taon ay posibleng makadagdag pa ito sa pagtaas ng temperatura sa bansa sa susunod na taon.

(Rey Pelayo | UNTV News)