METRO MANILA – Nagsagawa ng isang “graduation” ang Pasig City Government para sa mga medical frontliner sa Rizal High School centralized quarantine facility nitong Biyernes (July 29).
Ibinahagi ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa kaniyang Facebook page ang pagbibigay-pugay at pagkilala ng lokal na pamahalaan sa mga healthcare worker.
Lubos na nagpapasalamat ang alkalde dahil sa kanilang walang kapaguran at dedikasyon na makapaglingkod sa mga pasyente na nagkakasakit sa loob ng 2 taon.
Matatandaang ipinanukala ng mga kawani ng Disaster Risk Reduction and Management Office na gawing centralized quarantine facility ang isang paaralan noong March 2022.
Inaprubahan ng Department of Health (DOH) ang paggamit ng nasabing paaralan bilang isolation facility at sinimulang tumanggap ng mga pasyente noong May 2020 kung saan kayang mag-okupa nito hanggang 1,000.
Ayon kay Sotto, bagama’t pinagtatawanan ng marami ang ganitong plano ngunit hindi ito naging hadlang para ituloy pagpapanatili ng kapakanan ng mga Pasigueño.
Bilang paghahanda sa muling pagbubukas ng school year 2022-2023 sa Agosto, muling ibabalik sa dating Rizal High School ang nasabing isolation facility.
(Daniel Dequiña | La Verdad Correspondent)
Tags: DOH, Pasig city