Sa unang SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi nito na isa sa mga prayoridad niyang magawa ang pagsasaayos ng drug rehabilitation program ng pamahalaan.
Bunsod nito, iniutos ng Department of Health ang pagkakaroon ng community-based drug treatment and rehabilitation center, upang mabigyan ng agarang atensyong medikal ang mga drug dependent na boluntaryong sumusuko sa bawat komunidad.
Kanina sumailalim sa training ang ilang doktor, social worker at pyschologists mula sa iba’t-ibang lokal na pamahalaan, kung saan itinuro sa mga ito ang mga pamamaraan na dapat gawin sa mga drug addict na kinakailangang isailalim sa gamutan.
Paliwanag pa ng kinatawan ng Department of Health na si Dr.Villaroman, importante na malaman ng mga doktor sa bawat komunidad ang dapat gawin, upang maiwasan ang pagsisiksikan ng mga pasyente sa mga drug rehabilitation facility.
Muli ring nilinaw ng doktor, na hindi lahat ng drug user ay kinakailangang ipa-admit sa mga rehabilitation center.
Samantala, inaasahan namang maisasapinal na ng DOH at Philhealth ang planong paglalaan ng case rate package para sa drug rehabilitation treatment sa susunod na mga linggo.
Sa ngayon ay patuloy na pinagaaralan ng binuong techinical working committee ang naturang panukala, kung saan sasagutin ng Philhealth ang dalawang linggong gamutan ng mga drug dependent.
(Joan Nano / UNTV Correspondent)
Tags: drug treatment seminar, Health workers mula sa mga lokal na pamahalaan