METRO MANILA – Naghain nga ng resolusyon ang di bababa sa labing apat na senador upang manawagan sa agarang pagbibitiw sa pwesto ni Department of Health Secretary Francisco Duque III.
Kabilang sa mga senador na pumirma sa senate resolution number 362 sina Senate President Vicente Sotto III, Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senators Sonny Angara, Nancy Binay, Grace Poe, Manny Pacquiao, Sherwin Gatchalian, Francis Tolentino, Joel Villanueva, Ronald Dela Rosa, Imee Marcos, Lito Lapid, Ramon Revilla at Panfilo Lacson.
Sa naturang resolusyon, nais ng mga senador na magbitiw sa pwesto si Duque dahil umano sa failure of leadership o palpak na pamumuno, negligence o pagpapabaya, lack of foresight, at hindi epektibong pagganap sa kanyang mandato o tungkulin.
Ayon sa mga senador, nagresulta ang naging kabayaan ng kalihim sa hindi maayos na pagpaplano, naantalang pagtugon, kawalan ngtransparency at lihis o hindi maayos na mga polisya sa pagtugon sa COVID-19 crisis.
Idinetalye rin sa naturang resolusyon ang naging timeline ng COVID-19 pandemic at ang mga naging hakbang ni Duque katulad na lamang ang naging pahayag nito noong January 29 sa question hour sa kamara na tila hindi pagsang-ayon sa pagpapatupad ng travel ban sa China.
““Certainly that’s one of the possible options that we are looking at, but not at this very moment. The reason being, your honor, is we have to be very careful also of possible repercussions of doing this, in light of the fact that confirmed cases of the novel coronavirus are not limited to china,” ani DOH Sec. Francisco duque sa kanyang, House of Representatives.
Kasama rin ang naging mga pahayag ng kalihim sa pagdinig sa senado noong February 24 kung saan isinisi ni Duque sa airline companies ang tila mabagal na contact tracing sa mga nakasalamuha sa eroplano ng unang dalawang Chinese nationals na nagpositibo sa COVID-19 sa bansa.
“Ito ho, baka pwede natin itong pagkaisahan ho ito. The airlines are not sharing contact details of the passengers. They are invoking confidentiality eh,” ayon pa kay Duque.
Kasama rin ang umano’y patuloy na pagaanunsyo noon na wala pang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas kahit na mayroon nang mga pasyente sa ilang ospital ang may sintomas na ng COVID-19.
Napuna rin ng mga senador ang pagbatikos ni Duque sa Cardinal Santos Medical Center dahil sa pag-report nito na ini-admit sa kanilang ospital ang unang kaso ng local case ng COVID-19.
“Ang Cardinal Santos tumawag iyan. They made a request na kung puwede huwag babanggitin ‘yung Cardinal Santos Medical Center only to find out later na sila pala mismo ang nagbanggit ng sarili nila. So you know this is not fair,” ani Sec. Francisco Duque III sa isang press conference noong March 7, 2020.
Nabigo rin aniya si Duque na agad ipagbigay alam sa publiko ang pagtaas ng bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa loob lamang ng tatlong araw mula March 8 to 10.
Ipinunto rin ng mga senador ang nabigong pag-aksyon ng DOH sa pagresolba sa kakulangan ng Personal Protective Equipment sa mga health care worker —partikular na ang nangyari sa National Center for Mental Health na nagresulta sa pagpopositibo ng tatlumpu’t apat na staff nito, halos tatlong daang patients under investigation at mahigit isang daang persons under monitoring; at sa pag-issue ng gag order laban kay Dr. Clarita Avila na nagsiwalat ng mga nangyayari sa ospital.
Kasama rin ang hindi pagkilos ni Duque na mag-imbak ng PCR-based testing kits upang magamit sa publiko; ang 500 pesos a day allowance ng volunteer doctors at nurses at ang mabagal umanong pag-facilitate sa accreditation ng mga testing facility katulad ng delayed inspection sa Marikina testing center.
Sinusubukan nang kunan ng pahayag ngayon si Secretary duque na kasama sa defeat COVID-19 Technical Working Group on Heath Conference ng House of Representatives.
(Harlen Delgado)
Tags: Covid-19, DOH, DOH Sec. Francisco Duque III, Duque