Health Reform Advocate Dr. Anthony Leachon, isiniwalat ang umanoy anomalya sa Dengvaxia vaccine

by Radyo La Verdad | December 6, 2017 (Wednesday) | 2385

Managot ang dapat managot, ito ang pahayag ni Dr. Anthony Leachon sa Programang Get it Straight with Daniel Razon sa pagsisiwalat nito ng mga umanoy anomalya kaugnay ng Dengvaxia vaccine.

Si Dr. Leachon ay bahagi noon ng dengue expert panel ng Department of Heath na mariing tumutol sa mass vaccination ng Dengvaxia vaccine.

Ayon kay Leachon, hindi sinunod ng Food and Drug Administration ang post clinical trial na kung saan kailangang obserbahan ng isang taon ang nasa tatlong libo hanggang sampung libong test subjects bago isagawa ang mass vaccination.

Mabilis umanong inaprubahan ng DOH ang mass vaccination base na rin sa rekomendasyon ng FDA.

Sa labing siyam na bansa na gumamit ng Dengvaxia, tanging ang Pilipinas lamang ang nagsagawa ng malawakang pagbabakuna. Una nang tinutulan ni Leachon sa Kongreso ang mabilisang paglulunsad ng Dengvaxia subalit pinigilan umano siyang magsalita ng ilang kongresista. Kabilang na sina dating Congressman Harry Roque, Ron Salo at Rodante Marcoleta. Itinanggi naman si Presidential Spokesperson Harry Roque ang pahayag ni Leachon.

Kinuwestyon din ni Leachon ang mabilisang pag apruba sa 3.5 billion na budget para sa naturang bakuna na hindi man lamang dumaan sa Kongreso. Sa normal na proseso, dapat ay abutin pa ng anim hanggang isang taon bago ma aprubahan ang ganoong kalaking budget subalit inabot lamang ito ng ilang buwan.

Isiniwalat din ni Leachon na ang kabuuang budget ng bansa para sa lahat ng bakuna ay 3 billion pesos gayong napaglaanan ng mas higit na budget ang Dengvaxia na hindi naman kabilang sa aprubadong budget ng DOH.

Mahigit apat na raang libo ang nabakunahan ng Dengvaxia noong panahon ni dating DOH Sec. Janet Garin, napigilan ito noong panahon ni Sec. Paulyn Ubial pero makalipas ang ilang panahon ay natuloy rin sa mahigit tatlong daang libong mga bata.

Sa opinyon ni Leachon, na pressure si Ubial dahil sa iba’t-ibang dahilan gaya ng nakabinbin nitong kompirmasyon sa Commission on Appointments at ang mahigit 1.4 billion na halaga ng Dengvaxia na naka-imbak lamang at hindi pa nagagamit.

Nangangamba rin ni Leachon na magkaroon ng white wash sa mangyayaring imbestigasyon sa Kongreso.

Aniya hindi dapat matabunan ang naturang issue dahil maraming buhay ang nakataya. Sinabi rin ni Leachon na posible na magkaroon ng fall guy sa anomalya.

Naniniwala si Leachon na mareresolba ang naturang problema kung mawawala ang tinatawag na conflict of interest, ito raw ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit lumalaki ang problema.

Nirekomenda rin ni Leachon na ihiwalay na ang FDA, DOH at Formulary Executive Council na mga pangunahing nag aapruba sa mga ilalabas na bakuna sa merkado.

Inisa-isa ni Dr. Leachon ang mga dapat maimbistigahan sa anomalya kabilang na ang Bids and Awards Committee ng DOH, mga DOH official ng panahon ni Pangulong Aquino, Dengue Expert Team ng DOH, Sanofi at FDA.

Sa huli, nanawagan si Leachon sa mga mambabatas na huwag sanang mahadalangan ang paglitaw ng katotohanan sa isasagawang imbestigasyon ng senado.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,