METRO MANILA – Naghahanda na ang Department of Transportation (DOTr) sa inaasahang pagdagsa ng mga babyahe sa nalalapit na long holiday sa Abril.
Nais matiyak ng DOTr na maayos at ligtas ang mga byahe partikular na ang mga sumasakay sa mga pampublikong sasakyan.
Ayon kay DOTr Assistant Secretary Goddes Libiran, muling ilulunsad ang “oplan byaheng ayos”.
“So, ayon po ay way para po ma-alert yung ating mga attached agencies hindi lamang po sa road sector ganoon pa rin po air sector, maritime, even po yung ating railway sector na i-intensify yung mga health, safety and security protocols para po ma-ensure yung kaligtasan at kalusugan ng ating mga kababayan.” ani Asec Goddes Hope Libiran.
Magsasagawa rin ng pagpupulong ang LTFRB sa mga driver at operator ng mga pampublikong transportasyon.
Magtatalaga naman ang LTO ng mga tauhan nito sa mga istasyon at terminal ng mga bus at jeep upang masigurong nasusunod ang mga traffic regulation at health protocol.
Muling nananawagan ang DOTr sa mga pubic commuter na sumunod sa 7 commandments sa pagsakay sa mga pampublikong sasakyan.
Kabilang dito ang pagsusuot ng face mask at face shield, pagbabawal sa pagsasalita at pagkain, pagkakaroon ng sapat na air ventilation, regular na sanitation, pagbabawal sa pagbyahe ng mga may sintomas ng Covid-19 at pagsunod sa physical distancing measures.
Sa datos ng DOTr, sa mga nahuli pa lang ng Interagency Council for Traffic at LTFRB ay umabot na sa mahigit 1,000 indibiduwal ang lumabag sa health protocols sa mga pampublikong sasakyan simula noong Hunyo ng nakaraang taon.
Bagaman hindi na kailangan ang travel documents mula sa pulisya, pinapayuhan ng DOTr ang publiko na makipag-ugnayan sa mga local government unit ng lugar na kanilang pupuntahan.
Ito ay upang malaman kung may iba pang karagdagang polisiya o protocols ang kaukulang LGU.
“Mayroon pong prerogative pa rin yung ating mga Local Government Units na magpatupad ng mga additional protocols like for example yung kanilang mga testing, kung ire-require ba nila na mayroong RT-PCR or antigen testing bilang additional layer of protection para po doon sa mga pumapasok sa kani-kanilang mga area.” ani Asec Goddes Hope Libiran.
(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)
Tags: DOTr, Health Protocol, long holiday