METRO MANILA – Pinapalakas na ngayon ng Sarangani Provincial Health Office ang pangangampanya at bakunahan laban COVID-19 sa mga liblib na lugar sa probinsya.
Ayon kay Sarangani Health Officer Dr. Arvin Alejandro, nananatiling mababa ang bilang ng mga nabakunahan na sa mga malalayong lugar sa 7 munisipalidad sa lalawigan, lalo na ang mga katutubo o Indigenious People (IP) kabilang na rito ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Mayroon ding 7 cultural groups ang Sarangani, at ito ay ang Blaan, Tboli, Tagakaolo, Kalagan, Manobo, Ubo at Moro Tribes.
Isa sa nakikitang halimbawa ng mga otoridad ay ang Brgy. Amsipit sa Maasim kung saan nasa 10 lamang ang bakunado sa kabuuang bilang ng populasyon na 2,000.
Nakikipag-ugnayan na ngayon ang Provincial Health Office (PHO) sa mga barangay na kailangang tutukan gayun din sa mga munisipal IP mandatory representatives.
Pangunahin ding naglilibot ngayon si Gov. Steve Chiongbian-Solon sa iba’t ibang lugar sa lalawigan lalo na sa mga naturang liblib na lugar upang pangunahan ang pangangampanya sa nasabing mga tribo.
Target ng Sarangani Provincial Government na mabakunahan ang nasa 413, 522 individuals bago matapos ang taon upang maabot ang herd immunity.
(Renee Lovedorial | La Verdad Correspondent)
Tags: Sarangani Province