METRO MANILA – Naniniwala si Vaccine Expert Panel Chairperson Doctor Nina Gloriani na maaaring tumaas pa rin ang hawaan ng COVID-19 kung aalisin na ang face mask policy.
Dahil dito posibleng mas madaling makakukuha ng sakit ang mga nasa vulnerable sector katulad na lang ng matatanda, mga bata, at immunocompromised kung lalabas at makikisalamuha sa mga walang mask.
Nanawagan naman sa IATF si Dr. Maricar Limpin, ang immediate past president ng Philippine College of Physicians na pag-isipan muna ang rekomendasyon.
Sa isang panayam, sinabi din Dr. Rontgene Solante, isang infectious disease expert na hindi pa ito ang tamang panahon para sa pag-aalis ng mask.
Ganito rin ang pananaw ng health reform advocate na si Dr. Anthony Leachon.
Bagamat maaari aniya nitong mapanumbalik ang sigla ng ekonomiya, delikado at masyado pang premature ang pag-aalis ng face mask mandate sa ngayon.
Sa pahayag naman na inilabas ng DOH, nakasaad na ang posisyon talaga ng ahensya ay ipagpatuloy ang pagsusuot ng face mask .
Nguni’t sa naging pagpupulong ng IATF, mayroon ding mga datos ang naipresenta para irekomenda na ang pag-aalis nito.
Sa ngayon, hinihintay pa kung maglalabas ng executive order ang pangulo upang maging ganap na polisiya ang opsyonal na pagsusuot ng face mask.
(JP Nuñez | UNTV News)
Tags: DOH, Face mask, health experts, IATF