Health authorities, naka-alerto sa padami ng kaso ng flu infection sa Vietnam

by Radyo La Verdad | February 7, 2018 (Wednesday) | 2945

Dahil sa pabago-bagong panahon o klima at sa lumalalang polusyon dito sa Ho Chi Minh City, nag-abiso ang Ministry of Health sa mga lokal na ospital at sa iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan na paigtingin ang pagbabantay sa kalusugan ng mga mamamayan.

Ito ay kasunod nang tumataas na bilang ng mga mamamayan na may sakit na influenza. Bagaman mas matindi ang lamig na nararanasan sa northern part ng bansa, o sa Hanoi, sinabi ni Deputy Minister Nguyen Thanh Long na nakababahala ang pagdami ng mga residenteng may sakit na flu.

Kaya nag-utos ito sa mga ospital na hanggat maari ay maagapan ang mga paunang sintomas pa lamang ng sakit upang hindi na makahawa.

Sa ulat na inilabas ng National Hospital of Pediatrics, noong Enero pa lamang ay higit na sa 1,000 ang mga batang tinamaan ng trangkaso. Mahigit 200 sa kanila ay seryoso ang naging sakit gaya ng influenza A at B.

Isa sa iniiwasan ng pamahalaan ang pagkakaroon ng mas mataas na strain ng influenza kaya naman hinihiling rin ang pakikipagtulungan ng mga “veterinary agencies”  upang matutukan ang mga produktong “poultry” at masuri ang mga ibinebentang manok upang maiwasan ang pagpasok ng higher strain na flu sa hayop na posibleng makahawa naman sa tao.

Kasabay nito ay pinapayuhan ng Ministry of Health ang lahat na umiwas sa matataong lugar lalo na kung nakapansin ng isang taong may flu at gayundin ay magpabakuna upang makaiwas sa sakit.

 

( RJ Timoteo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,