Headquarters ng Caloocan City Police, nasunog

by Radyo La Verdad | November 14, 2017 (Tuesday) | 3798

Tinupok ng apoy ang isang palapag na bahagi ng Caloocan Police Station sa Samson Road sa Caloocan City pasado alas kwatro kaninang madaling araw.

Dahil sa bilis ng pagkalat ng apoy nasunog ang administration office,crime laboratory, Camanava Press Corps, station investigation and operations unit kung saan mayroon mahahalagang mga dokumentong nasama sa sunog. Pasado alas 6:00 na ng umagang ideklarang fire out ang naturang sunog.

Ayon kay Police Senior Superintendent Jemar Modequillo, hepe ng Caloocan police isang bumbero ang nasugatan at dinala sa ospital matapos humampas sa biktima ang fire hose nozzle na gawa sa bakal.

Kaagad namang nadala sa ligtas na lugar ang 90 lalaki at 12 babaeng inmates, kabilang ang isang buntis.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, faulty electrical wiring ang tinitignang dahilan ng sunog. Sa ngayon ay inaalam pa ng mga otoridad ang kabuuang danyos na idinulot ng sunog.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,