Hazing victim Horacio “Atio” Castillo III, inilibing na

by Radyo La Verdad | September 28, 2017 (Thursday) | 6175

Isang simpleng funeral rites ang isinagawa kahapon para sa UST law student na biktima ng hazing na si Horacio “Atio” Castillo. Dinaluhan ito ng kanyang mga kaanak, mga kaibigan at kaklase.

Nakasuot ng puting damit na may tatak na “Justice for Horacio” ang mga kamag-anak ng hazing victim habang naka itim na damit naman ang mga kaibigan nito.

Bago ang libing ay isang maiksing misa muna ang isinagawa sa Santuario de San Antonio sa Makati City. Pagkatapos nito, pasado alas singko kahapon ay dinala na ang labi ni “Atio” sa Manila Memorial park kung saan ito inilibing.

Ayon sa pamilya ni “Atio” hindi dito nagtatapos ang kanilang laban, hindi umano sila titigil hanggat hindi nakakamit ang hustisya.

Naniniwala naman ang tiyuhin ni “Atio” na ito na ang katapusan ng Aegis Juris Fraternity.

Maliban sa mga kaanak at kapamilya ng biktima, dumalo din sa libing ni Horacio ang ilang miyembro ng Volunteers Against Crime and Corruption o VACC.

Nangako ang mga ito sa pamilya ni Atio na tutulong upang makamit ang katarungan para sa biktima.

 

( Macky Libradilla / UNTV Correspondent )

 

 

 

Tags: , ,