Hawaan ng COVID-19 sa NCR Plus, bumagal makalipas ang 2 Linggo ECQ

by Radyo La Verdad | April 19, 2021 (Monday) | 2361

METRO MANILA – Bumaba sa 1.16 rate ang reproduction number ng COVID-19 na naitala sa mga lugar sa NCR Plus mula sa dating 1.9 reproduction rate makalipas ang 2 Linggong pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) ayon sa report ng Octa Research Group.

Ibig sabihin mas bumagal ang hawaan ng COVID-19, pero hindi pa agad makikita ang epekto nito sa naitatalang mga kaso kada araw.

“Ang numero naman din ng number of new cases ay nakikita natin sa Department Of Health bulletin hindi na pumapalo sa 15,000 or 14,000 jc sana makita natin ngayong linggo na ito ay continuously bumaba na ang number of new cases natin sa ncr at pangkalahatan sa buong Pilipinas” ani Octa Research Group Fellow, Dr. Butch Ong.

Naitala ang pagbagal ng mga bagong kaso sa lungsod ng Pasay, Marikina, Taguig, Mandaluyong at lungsod ng Maynila,

Bagaman nakakakita ng tuloy tuloy na pagbaba sa reproduction number ng COVID-19, pinangangambahan pa rin ng mga eksperto na baka muling madagdagan ang mga kaso matapos na luwagan sa Modified ECQ ang quarantine restriction sa NCR Plus.

“Mas maluwag ang restrictions ng MECQ at there is actually a risk na baka tumaas ng bahagya habang nasa mecq tayo ngayong linggo kaya kailangan pa rin natin na maging mas disiplinado sa pagconduct ng apat dapat at minimum health standards” ani Octa Research Group Fellow, Dr. Butch Ong.

Ayon sa Octa Research Group sa ngayon nanatili pa rin sa critical level ang utilization rate ng mga ospital, bagaman nagkaroon ng bahagyang improvement sa capacity ng mga isolation facility.

Umaasa ang Octa na mapababa pa sa 1.0 o below one ang reproduction number ng COVID-19, upang tuluyan nang makahinga ang ating health care capacity.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,