METRO MANILA – Bumaba na sa 0.93 ang reproduction number o ang bilis ng hawaan ng COVID-19 sa National Capital Region batay report na inilabas kahapon (April 25) ng Octa Research Group.
Ibig sabihin mas bumagal pa ang hawaan ng COVID-19 sa nakalipas na isang linggo, kaya naman unti-unti na ring nababawasan ang mga bagong kaso na naitatala ng Department Of Health kada araw.
Kung dati ay umaabot ng nasa 10,000 to 11,000 ang daily average ng mga bagong kaso, bumaba na ito sa nasa 8,000 to 9,000 sa nakalipas na Linggo.
Ayon sa datos ng Octa Research Team, naobserbahan ang pagbagal ng hawaan ng COVID sa 17 lungsod sa Metro Manila mula April 18 – April 24.
Nakasaad sa report na nasa 2% – 33% ang nabawas sa mga bagong kaso na naitatala sa mga siyudad sa NCR.
Kung susumahin bumaba ng nasa 20% ang new COVID-19 cases sa Metro Manila, 12% sa CALABARZON, 4% sa Central Luzon o ang mga lugar na sakop ng NCR Plus.
Sa kabila nito ayon sa DOH, nanatiling mataas ang naitatalang positivity rate kung saan marami pa rin sa mga sumasailalim sa testing ang nagpopositibo sa COVID.
Kaya naman kahit bumababa na ang mga kaso ng COVID-19, ayon sa octa kinakailangan pa rin munang ma-decongesto o mapababa ang occupancy ng mga ospital bago ibaba ang quarantine status sa NCR Plus.
“You have to sustain the r below one for at least several weeks and this will take a careful planning with the length of the MECQ, and we urge the national government as one possible benchmark for changing quarantine levels is not to exit the mecq until at least the r is less than .9 in a sustained manner.” ani Octa Research Fellow, Nicanor Austriaco.
Sa kabila ng pagbaba ng COVID-19 cases sa NCR Plus, nakakita naman ng pagtaas sa mga bagong kaso sa ilang lugar sa labas ng NCR Plus tulad sa Angeles City,Pampanga at sa Batangas.
Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, hindi pa rin kuntento ang gobyerno sa pagbaba ng bilang ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa mga nakalipas na araw at wala pang katiyakan kung babaguhin na ang umiiral na MECQ sa Metro Manila, Laguna, Cavite, Rizal at Bulacan.
Mahigpit namang babantayan ng Inter-Agency Task Force ang datos kaugnay ng 2-week average attack rate ng COVID-19 at health care utilization rate bago magbigay ng rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng community quarantine classification sa buwan ng Mayo.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Covid-19, Metro Manila