METRO MANILA – Hindi makalulusot sa checkpoint ang mga maghahatid o susundo ng Authorized Persons Outside Residence (APOR).
Ayon kay Philippine National Police Chief PGen. Guillermo Eleazar, ito ay batay na rin sa direktiba ng Inter Agency Task Force sa ilalim ng ipatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ).
“Napakahirap na malaman natin kung ang isang nagmamaneho na may dalang private vehicle ay totoo na sya ba ay pupunta at may susunduin na apor o kaya ay pauwi galing sa paghahatid ng APOR.”ani PNP Chief, PGen. Guillermo Eleazar.
Sinabi ni PNP Chief na mayroon namang mga bumibiyaheng pampublikong transportasyon kahit naka-ECQ sa National Capital Region.
“Ngayon naman ay patuloy na mayroong public transportation on 50% capacity at dalawang linggo lamang naman ito at hinihingi namin ang kooperasyon ng iba at ng lahat dahil napakahirap na abusuhin itong sitwasyon na ito” ani PNP Chief, PGen. Guillermo Eleazar.
Samantala, nilinaw din ni JTF CV Shield Commander PLtGen. Israel Ephraim Dickson na hindi maiipit sa traffic sa mga checkpoint ang mga cargo trucks dahil may nakalaang lane para sa kanila.
“Lalong lalo na yung mga trucks na magde deliver ng essential goods, yung mga nasisira at kailangang makarating on time dito sa Metro Manila o palabas sa Metro Manila, yun ay mina man ng highway patrol para sila ang mag aassist at titingin sa para magkaroon ng smooth flow ng traffic sa mga lugar na yun” ani JTF CV Shield Commander PLtGen. Israel Ephraim Dickson.
Tiniyak rin ng PNP na hindi na mauulit ang nangyari noong July 26, kung saan ilan sa mga idineploy na pulis sa SONA ay positibo sa COVID-19.
“Sa utos ng ating Chief PNP kailangan ang regular check sa kalusugan ng ating mga pulis para sila ay healthy at isa ay ang regular conduct ng RT PCR test at pangalawa ay yung self-assessment namin” ani JTF CV Shield Commander PLtGen. Israel Ephraim Dickson.
Sinabi din ni administrative support against COVID-19 Task Force Commander PLtGen. Joselito Vera Cruz na nasa 50% na ng mga pulis sa Metro Manila ang bakunado na.
Agad din sinusuri sa PNP General hospital kung masama ang pakiramdam at hindi pinapapasok ang mga ito sa trabaho.
(Lea Ylagan | UNTV News)
Tags: APOR, checkpoint, ECQ, PNP