Harassment sa mga Pilipinong mangingisda sa Panatag Shoal, dapat iakyat sa international bodies – Sen. Drilon

by Radyo La Verdad | June 15, 2018 (Friday) | 4340

Suportado ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang panawagan na magsampa ng protesta laban sa China dahil sa umanoy harassment ng Chinese coast guard sa mga Pilipinong mangingisda sa Panatag Shoal.

Ayon sa senador, dapat umaksyon ang pamahalaan at iakyat ang usapin sa international bodies.

Muli namang iginiit ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na may ginagawa na silang aksyon sa usapin sa West Philippine Sea (WPS) dispute.

Pinabulaanan rin ng kalihim ang alegasyon nina Senator Antonio Trillanes IV at Magdalo partylist Rep. Gary Alejano na magkakontra ang posisyon ng Pilipinas at China sa usapin ng pangingisda sa Panatag Shoal.

Kaugnay ito sa sinabi ni Chinese Ambassador Zhao Jianhua na good will o kagandahang loob ang pagpayag ng China na makapangisda ang mga Pilipino sa Scarborough.

Pagtatanggol pa ng kalihim, hindi rin aniya totoo ang sinabi ni Alejano na inokupa na rin ng China ang Sandy Cay, ang sandbar na malapit sa Pag-asa Island.

Hinamon naman ng kalihim sina Trillanes, Alejano at Associate Justice Antonio Carpio sa isang pulong upang pag-usapan ang isyu sa WPS.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,