Halos P4 na dagdag-pasahe, hiniling ng Metro Manila bus operators sa LTFRB

by Radyo La Verdad | March 21, 2018 (Wednesday) | 5316

Apat na pisong dagdag-pasahe sa aircon bus at mahigit tatlong piso naman sa ordinary bus ang hiniling ng Metro Manila bus operators sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ayon sa Samahang Transport Operators ng Pilipinas (STOP), malaki ang naging epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN law sa kanilang hanapbuhay.

Bukod pa dito ang dagdag-gastos sa modernization ng mga bus at ang requirement na kailangang Euro 4 na ang kanilang mga makina.

Ayon sa grupo, halos sampung taon na rin silang hindi nakapagpatupad ng dagdag-pasahe. May 2008 pa ang huling fare hike na inaprubahan ng LTFRB para sa Metro Manila buses.

Habang nakabinbin pa ang hiling na dagdag-pasahe, nais ng mga city bus operator na ipatupad muna ng LTFRB ang provisional fare increase upang kahit papaano ay makabawi na ang mga operator sa naging epekto ng excise tax sa petrolyo. Hati naman ang pananaw ng mga commuter sa fare hike.

Bukod dito, nakabinbin rin ngayon ang petisyon na dagdag-pasahe sa provincial bus, jeep at TNVS dahil rin sa epekto ng TRAIN law.

Subalit plano ng LTFRB na i-dismiss ang fare hike petition ng mga jeepney operator matapos limang ulit nang na-reset ang hearing sa kanilang petisyon.

Ang National Economic and Development Authority (NEDA) ang isa sa makakatulong sa LTFRB upang makapaglabas ng desisyon kung dapat bang paboran ang fare hike petition, batay na rin sa magiging epekto nito sa ekonomiya ng bansa.

 

( Mon  Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,