Halos 500,000 doses ng Covid-19 vaccines na gawa ng Astrazeneca, dumating na sa bansa

by Erika Endraca | March 5, 2021 (Friday) | 1956

METRO MANILA – Lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) alas-syete dies kagabi (March 4) ang KLM flight lulan ang 487,200 doses ng AstraZeneca vaccines mula sa Covax facility.

Umabot ng ilang oras ang pagdiskarga nito mula sa commercial flight at pag-tow patungo sa Villamor airbase para sa inspeksyon at turn over sa Department Of Health.

Dakong alas-nuwebe y media naman kagabi (March 4) nang dumating si Pangulong Rodrigo Duterte para sa welcome ceremony ng mga bakuna sa Villamor airbase.

Ito ang unang batch ng mga bakunang allocated ng Covax facility sa Pilipinas at pangalawang shipment naman ng bakuna kontra Covid-19 na dumating sa bansa.

Kasunod nito, hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang publiko na magpabakuna na.

Higit 1-M doses na ngayon ng Covid-19 vaccines ang available sa bansa at nakalaan ang mga ito para sa mga health worker.

“On this note, I would like to appeal to all our kababayans please get vaccinated against Covid-19 and be the government partner in preventing further spread of the disease. I encourage you to get vaccinated as a soonest possible time. These vaccines are safe and they are the key to reopening our society.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Kaalinsabay nito, umapela rin ang punong ehekutibo na habang naghahantay ng iba pang suplay ng mga bakuna, manatili pa rin sa maigting na pagsunod sa health at safety protocols.

Samantala, lubos naman ang pasasalamat ng punong ehekutibo sa mga donor countries ng AstraZeneca vaccines.

13 bansa ang nagdonate ng bakuna kabilang na ang Germany, EU, Norway, France, Italy, Spain, Netherlands, Sweden, Denmark, Belgium, Austria, Greece at Australia.

“I don’t know how to express my gratitude to the donor countries that you remembered the poor nations is in fact already a plus for humanity. And in behalf of the republic of the Philippines and of the people, and all, I’d like to say again that we felt the gratitude in our hearts and may god bless you for your benevolence” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Wala pang katiyakan kung kailan ang rollout ng AstraZeneca vaccines dahil isinasapinal pa ng interim national immunization technical advisory group ang priority list para sa naturang bakuna.

Gayunman, health workers pa rin ang prayoridad na magpakalooban nito.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,