Halos 28 milyong mag-aaral mula kindergarten hanggang grade 12, nagbalik eskwela kahapon

by Radyo La Verdad | June 5, 2018 (Tuesday) | 2684

Ipinagmamalaki ni Education Secretary Leonor Briones na maayos ang naging pagbubukas ng klase  kahapon para sa halos 28 milyong mga mag-aaral mula sa kindergarten hanggang grade 12 sa mga pampubliko at ilang pribadong paaraalan sa bansa.

Ayon kay Briones, bihira na aniya ang mga dating problema, gaya kakulangan sa libro at silid-aralan.

Batay sa ulat ng kalihim, naabot na ang ideal teacher to student ratio na 1:40; 1:50 na toilet to student ratio at 1:1 para sa student seats ratio.

Ayon pa sa kalihim, wala nang mga mag-aaral na magkaklase sa ilalim ng punong kahoy ngayong pasukan.

At kahit nagsimula na ang klase, tuloy ang pagtatayo ng DepEd ng mga silid-aralan upang maibsan ang pagsisiksikan ng mga mag-aaral sa ibang paaralan.

Sa Parañaque National High School, kaliwa’t kanan ang itinatayong mga silid-aralan upang maibsan ang pagsisiksikan ng nasa sampung libong estudyante doon.

Sa Batasan National High School sa Quezon City, halos labing anim na libong mga estudyante na ang nagpatala hindi na sila tatanggap ng karagdagang enrollees.

Naglaan na lang ng help desk ang pamunuan ng eskwelahan upang gabayan ang mga late enrollees na makpagpatala sa mga karatig na eskwelahan.

Nag-ikot naman kahapon sa Quezon City High School si Sec. Briones upang personal na makita ang sitwasyon doon.

Sa kabuuan, kuntento ang kalihim sa naging paghahanda ng mga paaralan.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,