Halos 170,000 sa 3 rehiyon, nakarehistro na para sa COVID-19 vaccination ng 5-11 y/o sa Feb. 4

by Radyo La Verdad | January 31, 2022 (Monday) | 4266

Uumpisahan na sa February 4 ang COVID-19 vaccination sa mga batang 5 to 11 years old.

Tiniyak ng Department of Health na sisiguruhin nitong maayos ang proseso ng pagbabakuna sa mga bata.

Sa ngayon nasa 168,355 na ang nakarehistrong magpapabakuna sa CALABARZON, Central Luzon at Metro Manila.

Ayon kay National Vaccination Operations Center Chief at Health Undersecretary Myrna Cabotaje, pagsasabayin na ang pagbabakuna sa lahat ng nasa edad lima hanggang labingisa, may comorbidity man o wala.

“Hindi kagaya ng 12 to 17 na nauna ang may comorbidity, gusto natin mas mabilis ang bakunahan, kaya pagsasabayin natin ang pagbakuna ng may comorbidity at walang comorbidity”, ani Usec. Myrna Cabotaje, Chief, National Vaccination Operations Center.

Para sa mga batang may comorbidity, kinakailangan ng medical certificate bago mabakunahan sa mga vaccination center.

Nasa tatlumput dalawang vaccination sites sa iba’t ibang lugar ang gagamitin  sa vaccination roll out para sa nasabing age group.

Kabilang na rito ang National Children’s Hospital, Philippine Children’s Medical Center, at Philippine Heart Center.

Target ng kagawaran na mabakunahan ang nasa 15.5 million sa 5 to 11 yrs old age bracket.

Ngunit dedepende pa rin ito darating sa bansa na suplay ng Covid-19 vaccine na pwede sa mga bata.

Nagpaalala naman si Usec. Cabotaje sa mga magulang o guardian na kasama ng ng magpapabakuna na siguraduhing handa ang bata.

Samantala, kailangan munang pumirma ng consent form ng mga batang 7 years old pataas na sila ay pumapayag na magpabakuna.

Habang nasa responsibilidad naman ng magulang kung babakunahan ang kanilang anak na nasa anim na taong gulang pababa.

Aileen Cerrudo | UNTV News

Tags: , , ,