Halaga ng pinsala sa imprastraktura na dulot ng lindol sa Masbate, tinatayang aabot sa mahigit P23M

by Erika Endraca | August 19, 2020 (Wednesday) | 17705

Masbate – Niyanig ng magnitude 6.6 na lindol ang lalawigan ng Masbate kahapon (August 19).

Isa ang nasawi matapos bagsakan ng gumuhong bahay habang apatnaput walong indibidwal ang naitalang nasugatan.

Ayon sa Phivolcs, naramdaman ang intensity 7 sa Cataingan, Masbate; intensity 5 sa Masbate City at Tagapul-an Samar.

Intensity 4 naman sa Sorsogon, Legazpi City, Albay, San Andres Quezon Province, Mapanas Northern Samar, Palo Leyte, at Sagay City sa Negros Occidental.

Naramdaman din ang lindol hanggang sa Ormoc, Leyte at Iloilo City.

Batay sa ulat ng Masbate PDRRMO, mahigit 30 aftershocks ang naitala sa bayan ng Cataingan, 16 na bahay naman ang nasira sa 3 bayan.

Habang 55 silid aralan ang nasira sa labing siyam na eskwelahan sa elementarya at highschool.

Tinatayang aabot sa mahigit P23M ang napinsala sa mga kalsada, tulay at mga goverment building.

Mahigit 100 LSI naman ang inilipat sa Cataingan national high school at Potenciano Abejero Elementary School mula sa Cataingan Memorial Colleges at Cataingan Astrodome.

Nakitaan kasi ng mga bitak ang naturang mga gusali na ginagamit na quarantine facility.

Samantala tiniyak naman ng Malacañang na mabibigyan ng ayuda ang mga residenteng naapektuhan ng malakas na lindol sa Masbate at ilang bahagi ng Visayas.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque nakahanda na ang mga sangay ng gobyerno na magbibigay ng relief goods sa mga pamilyang nasa evacuation center.

Wala namang detalye pa ang palasyo kung dadalaw doon personal si Pangulong Rodrigo Duterte.

“Pagdating po sa ayuda wag po kayong mag-alala, mga pagkain, mga blanket, mga resettlement area, lahat po yan, naka-prepositioned na po yan at sanay na sanay na po tayong magbigay ng ganiyang tulong sa ating mga kababayan. Siguradong-sigurado po ako na gusto ni presidenteng pumunta whether or not he will be allowed tignan po natin”ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

(Gerry Galicia|UNTV News)

Tags: , ,