Halaga ng pinsala sa agrikultura ng magkakasunod na mga bagyo, umabot na sa P10-B – DA

by Erika Endraca | November 16, 2020 (Monday) | 2103

METRO MANILA – Personal na iniabot ni Agriculture Secretary William Dar ang P846-M na halaga ng ayuda sa pamahalaang panlalawigan ng Cagayan nitong Linggo (Nov. 15) para sa mga magsasakang naapektuhan ng bagyo.

Maliban dito, nagbigay din ng mahigit sa P18-M halaga ng bigas sa lalawigan.

Sa tala ng Department of Agriculture (DA), halos P100-M halaga ng palay ang iniwang pinsala ng bagyo sa Cagayan.

Halos P10M sa mais habang nasa P2-M hanggang P3-M naman ang tinatayang halaga ng pinsala sa livestock.

Ayon sa DA, umabot na sa P10-B ang halaga ng pinsalang idinulot ng bagyong Quinta, Rolly at Ulysses sa agrikultura ng iba’t-ibang rehiyon partikular na sa Luzon.

Umabot sa P3-B ang nasirang mga palay habang P1-B naman sa abaca at P2.7-B sa iba pang high value crops.

Nasa P1-B naman ang pinsala sa fisheries habang mahigit P66-M sa livestock at poultry.

Sa kabila ng tinamong pinsala sa agrikultura, sinabi ni Secretary William Dar na mayroon pa ring sapat na bigas sa bansa.

“So 85 days to 94 days nandiyan pa rin yung imbentaryo natin. Mayroon tayong sapat na bigas dito sa ating bansa.” ani Dept. of Agriculture Sec. William Dar.

Mataas aniya ang naging produksyon nitong mga nakalipas na quarter bukod pa sa mga inimport na bigas.

Malaking tulong din ang maagang babala mula sa pagasa kaya maagang nakapag ani ang ibang magsasaka.

“They are giving us ten days before the typhoon arrives. So ang suma-total ang ana save natin bago dumating itong tatlong malalaking or malalakas na bagyo ay 32 billion pesos.” ani Dept. of Agriculture Sec. William Dar.

(Vincent Arboleda | UNTV News)

Tags: